SamBahayAnihan: Mga Organikong Ekklesiya na Akma sa mga Kultura sa Pilipinas

By Jon Soriano

Isa sa mga adbokasiya ng kilusan ng Stargrass Coalition ay lumikha at magtaguyod ng mga Ekklesiyang Organiko na magiging akma sa mga kulturang Pilipino. Ang bansang Pilipinas ay binubuo ng marami at iba’t-ibang makukulay na kultura na may mayaman at mahabang kasaysayan. Bago pa dumating ang mga colonial na mananakop, ang mga katutubong kultura sa mga isla ng Philippine archipelago ay mayabong na.

Dahil dito nais natin iparating ang mensahe ng ebanghelyo at ihasik ang mga binhi ng Kaharian ng Diyos sa kaparaanang lilikha ng tulay tungo sa tamang pag-unawa ng mga tao sa ebanghelyo sa kanilang kultura. Nais nating makita ang mga binhi ng Kaharian ng Diyos na maitanim sa mismong lupa ng mga kulturang ito na tutubo at yayabong na bakas ang kulay at yaman nito. Mahalaga na umusbong ang isang Ekklesia na tapat sa ebanghelyo at tapat na kinakatawan ang kanyang natatanging kultura.

Ang kultura ay kaloob ng Diyos. Kalooban ng Diyos ang pagkakaroon ng mga pagkakaiba. Tumingin ka lamang sa kalikasang kanyang nilikha at makikita mo ang mayamang diversity, mapa-hayop, halaman, klima, geograpiya, at tao. Sa pangitain mismo ni Apostol Juan sa sinulat niyang aklat ng Pahayag (Apokalipsis), nakita niya ang mga tao mula sa iba’t ibang tribo, wika, at bansa na kabahagi sa kabuuan ng Kaharian ng Diyos (Rev. 7: 9-11). Sa pangitaing ito ay may pahiwatig na maging ang mga kultura ay kasama sa pagliligtas ng Diyos. Kinilala din ito ni Lukas sa kanyang aklat ng Gawa na ang Diyos mismo ang nagtataguyod ng mga pagitan ng mga bansa at nagtatalaga sa mga tao sa kanilang tutubuang lupa, upang sa gayon ay kanilang hahanapin ang Diyos (Acts 17: 26-27).

Si Jesus mismo nang kanyang ibigay ang huli niyang tagubilin sa mga alagad, na humayo sa lahat ng mga bansa o sa bawat tribong etniko at gawin silang alagad, ay nagpapatunay sa pagpapahalaga ng Diyos sa mga kulturang kinabibilangan ng bawat tao (Matt. 28: 16-20).

Mababakas natin dito na ang pagkilos ng Diyos at ang kanyang pagliligtas na gagawin ay nakatuon sa kabuuan ng sannilikha. Ang bawat tao ay nabubuhay sa konteksto ng kanyang komunidad, na may partikular na kultura at napapaloob sa mas malawak na pamayanan.

Ang ating Bibliya mismo ay puno ng kasaysayan ng mga tao sa iba’t ibang kultura, sa iba’t ibang bansa, at sa iba’t ibang panahon. Dito natin maaring mabakas ang pagkilos ng Diyos sa magkakaibang konteksto at sitwasyon. Sa bagong tipan ay matutunghayan natin ang pagtawid ng ebanghelyo mula sa kulturang Hudyo papunta sa mundo ng mga Hintil at kulturang Griyego-Romano. Isinalaysay sa atin ng mga sumulat ng bagong tipan kung papaano naitawid ni Apostol Pablo ang mensahe ng ebanghelyo gamit ang mas angkop na pamamaraan na mauunawaan ng kulturang kanyang ginagalawan (halimbawa sa Acts 17: 22-34).

Mahalaga na ang ebanghelyo ay lalapat sa mismong konteksto ng bawat kulturang kanyang pagtataniman. Ito ang diwa ng pagiging “organiko.” Sa madaling salita, ay yung likas at natural sa isang kotekstong kultural. Bagama’t kinikilala natin na walang payak o “puro” na kultura, bawat kultura ay bunga ng mga halong impluwensiya mula sa labas.

Sa kaso ng ating bansa, ay mababakas ang maraming impluwensiya mula sa iba’t ibang dako mapa-silangan, timog-silangan, gitnang silangan at kanluran. Ngunit sa kalaunan, ang mga naghalong impluwensiyang ito ay lumikha ng makabagong kultura na masasabing sariling atin.

weaver at Lake Sebu, South CotabatoNgunit dalawang bagay ang mahalagang maisaisip natin sa pagbubukas ng kamalayang ito. Una, ang epekto ng kasalanan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang kasalanan bumalot sa ating pagkatao at sa bawat sulok ng ugnayan ng tao. Samakatuwid, saklaw nito ang lahat ng kulturang hinubog ng tao. Ngunit sa kabila nito, nananatili at bakas pa rin ang kabutihan at kabungahan ng sannilikhang ginawa ng Diyos. Ito ang tinatawag na “common grace.” Sa puntong ito, ating masasabi na walang ganap at tuwid na kulturang tao. Ang bawat kultura ay may bahid ng kasalanan. Maraming gawi, pananaw, at mga pinahahalagahan sa isang kultura ay maaring tiwali, gahaman at makasarili. Dito natin kailangan magsagawa ng critique sa kultura. Sa mga larangan na ito kailangan ilapat ang transformative impact ng ebanghelyo. Pangalawa, sa kabila ng lahat ng imperfections ng isang kultura, maari pa rin nating mabakas ang disenyo at kamay ng Diyos sa mga mabubuting gawi, asal, karunungan, pananaw at mga pinahahalagahan. Dito kailangan ng pag-affirm at pag-preserve ng kultura.

Bilang mga taga-sunod ni Kristo, kailangan natin isagawa pareho: ang pagbabago ng kultura at paghubog ito na naayon sa kalooban at salita ng Diyos. Samantala, ang mga bagay na mabuti sa isang kultura ay kailangan pagyamanin at itanghal para sa kaluwalhatian ng Diyos.

Sa ating kasalukuyang panahon, ang uri ng Kristiyanismo na dumating sa ating bansa ay kanluranin. Malaki ang naging impluwensiya ng mga mananakop na Espanyol at ng Estados Unidos sa naging paghubog ng ating pangunawa sa ebanghelyo. Marami ang sinanay sa katuruan ng mga seminary na hinubog ng isang kanluraning pag-iisip. Kaya naman, ang nagging epekto nito ay mga Ekklesiyang mga pawing kopya mula sa mga bansa sa kanluran. Sa pamamaraan, pamamahala at pagpapalaganap ay may mukha ng kanluran. Maraming aspeto ng ating mga kultura ang na-demonize ng mga colonial teachers natin mula sa kanluran.

Kailangan natin ma-redeem ang ganda at yaman ng ating kultura na huhubog sa magiging mukha ng ating mga Ekklesia. Kailangan natin ng mga bagong wineskins na tunay na kumakatawan sa ating mga lahi. Panahon na upang kumawala sa pagkagapi natin sa isang kolonyal na pag-iisip. Panahon na upang linangin muli at magbalik-tanaw sa ugat ng ating mga ninuno at minahin ang yaman ng kulturang sariling atin. Panahon na upang lumikha ng isang Ekklesiya na angkop sa mga kulturang Pilipino.